Aktres na si Azenith Briones, magdedemanda vs. Resorts World

182

Aktres na si Azenith Briones, magdedemanda vs. Resorts World

Naghahandang magdemanda laban sa Resorts World Manila (RWM) ang kaanak ng mga nasawi sa pag-atake sa hotel-casino noong Biyernes, Hunyo 2. Kabilang sa mga maghahabla ang dating aktres na si Azenith Briones.

Kuwento ni Briones, hindi pa rin niya lubos na matanggap na hindi niya na kapiling ang mister na si Eleuterio Reyes. Napabilang ang negosyante sa mga nasawi sa RWM.

Naniniwala ang dating aktres na kung hindi nagpabaya at naging maagap ang pamunuan ng hotel-casino, sana raw ay walang nasawing biktima sa insidente.

Gusto niyang bigyang hustisya ang pagkasawi ng mister. Nagkakaisa rin daw sila ng iba pang kaanak ng mga biktima na magdedemanda laban sa RWM dahil sa pagkukulang umano nito sa seguridad na ikinasawi ng kanilang mahal sa buhay.

Tumanggi na si Briones na idetalye ang mga makakasama sa pagdedemanda. Tiniyak niya lang na handa siya sa mahabang proseso para bigyang katarungan ang asawa at ang iba pang biktima.

Kinumpirma niyang tinanggap ang tulong ng RWM na P50,000 kahapon at P1 milyong abuloy ng hotel-casino kaninang umaga.

Kasabay nito, iginiit ni Briones na hindi matutumbasan ng anumang halaga ang buhay na tinubos ng pag-atake sa RWM.

Nauna nang sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Andrea Domingo na sisiyasatin nila kung nagkulang ba ang RWM sa pagresponde sa pag-atake.

Pag-aaralan na rin kung paano rumesponde ang mga casinong pinapatakbo at licensee ng PAGCOR pagdating ng crisis situations.

Pati ang Department of Tourism, ire-review ang mga protocol ng tourist destinations, kasama na ang mga integrated resorts at casino.

Kampante naman ang DOT na walang malaking epekto sa turismo ang insidente sa RWM.

Lumabas din sa imbestigasyon na noon pang Marso, ipina-ban na sa mga casino ang gunman na si Jessie Carlos dahil sa kaniyang pagkalulong sa sugal.

Source

Don't Forget to Say Thanks Below

Thank you for visiting! If you enjoyed, please SHARE! by clicking the share button.